Biyernes, Setyembre 4, 2015

Magandang araw po sa inyo !
     Nawa po sa maikling pagkakataon na ibinigay sa akin dito ay makinig kayo.
Edukasyon.. Edukasyon.. Talaga bang mahalaga ito? Ano ba ang maitutulong nito sa ating kinabukasan? Maraming katanungan ang nais nating mabigyan ng kasagutan. Tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan, maraming nagsasabi nito. Ngunit, bakit maraming mga kabataan ang hindi nag-aaral? Nagiging tambay na lang sila at nalululong sa masamang bisyo. Maraming dahilan kung bakit gindi sila nag-aaral pero marami rin namang paraan upang makapag-aral. Alam kong ang pagiging mahirap ay isa sa mga dahilan pero may paraan naman para dito, pwede ka namang maging "working student" kung gusto mo lang talaga. Sabi nga sa kanta, "kung ayaw may dahilan, kung gusto palaging merong paraan." Kaya't kung gusto mo talagang mag-aral ay gagawa at gagawa ka ng paraan para dito. 
     Ang edukasyon ang ating panlaban upang magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Kung mapapansin natin maraming mga kababayan natin sa ibang bansa ang minamaltrato, inaapi, at inaabuso. Bakit nating hahayaang mangyari ito? Tayong mga kabataan ngayon, papayag ba tayong magpatuloy ito? Hindi na dapat, ipakita natin sa kanila na kaya nating umunlad gamit ang ating sariling mga paa. Ang edukasyon ang tanging kayamanan na ipamamana ng ating mga magulang sa atin na kailanman ay hinding-hindi mawawala sa atin at walang sinuman ang makakakuha nito mula sa atin.
     Ang edukasyon ang susi ng ating tagumpay. Ito ang makakapagpa-ahon sa atin mula sa kahirapan. Kaya't wag nating sayangin ang pagkakataon na ibinigay sa atin ng ating mga magulang upang makapag-aral. Tayo'y mag-aral ng mabuti at ipasantabi ang mga bagay na makakasira sa ating pag-aaral. Lagi tayong magsumikap at wag nating kalilimutan na ang edukasyon ang solusyon sa ating kahirapan.